Muling tiniyak ni House Committee On Ways And Means Chairperson at Marikina 2nd District Representative Miro Quimbo na malabong umusad sa kamara ang panukalang patawan ng excise tax ang kape.
Sa panayam sa DZMM Teleradyo, iginiit ni Quimbo na ipinapataw lang ang excise tax sa mga produktong nakasasama sa kalusugan tulad ng sigarilyo at alak para mabawasan ang pagkonsumo nito.
Ayon sa mambabatas, napag-uusapan din nila ang mga 3-in-1 coffee mix.
Pero binigyang-diin niya na tatamaan ng panukala ang mahihirap na Pilipino, na pangunahing bumibili ng 3-in-1 coffee.
Hindi aniya praktikal na sukatin ang buwis sa iba-ibang timpla o dami ng caffeine ng kape. Sa halip na buwis, isinusulong na lamang niyang bawasan ang asukal sa mga 3-in-1 coffee mix.
