Nailigtas ang isang endangered na Northern Luzon Giant Cloud Rat, na kilala rin sa tawag na “Kurimaong” sa Lasam, Cagayan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing nakita ang kurimaong sa isang puno ng niyog sa Barangay Kabatacan East sa Lasam, Cagayan.
Ayon sa mga nakakita, nag-aani sila sa lugar nang makita nila ang kurimaong na mas sugat at nanghihina.
Kinuha nila ito, inalagaan at ipinaalam sa Forest Protection Officers ng Community Environment and Natural Resources Office-Aparri para masuri ang kalagayan nito.
Matapos matiyak na ligtas na ang kalagayan ng kurimaong, muli na itong pinakawalan sa natural nitong tirahan sa gubat.
Sa ilalim ng batas, ipinagbabawal ang paghuli at pagpatay sa mga itinuturing rndangered species, na gaya ng kurimaong.—FRJ GMA News