Mabilis ang pagsadsad ng piso kontra dolyar sa mga nakalipas na araw. Ngayong Martes, Oktubre 27, nagsara ang palitan sa P64.17 kada dolyar, isang bagong record low.
Para sa mga pamilyang hirap nang pagkasyahin ang kita, dagdag na pangamba ito sa presyo ng mga bilihin. Kahit wala ka kasing hawak na dolyar, puwede mong maramdaman ang pagsadsad ng piso sa pamamalengke, pagpapagasolina, at pagbili ng LPG.
Mas maraming piso na kasi ang kailangan para bumili ng parehong dami ng dolyar. At dahil dolyar ang pambayad sa maraming inaangkat o iniimport, puwedeng tumaas ang gastos sa langis, pagkain, at iba’t ibang sangkap o kagamitan na ginagamit ng mga negosyo.
Pero hindi awtomatikong pantay ang paghina ng piso sa itataas ng lahat ng presyo. Nakadepende iyon sa presyo sa world market, dami ng lumang imbentaryo, at kung gaano kalaking dagdag-gastos ang kayang saluhin ng negosyo.
Ano ang magagawa ng ordinaryong Pilipino? May ilang praktikal na hakbang.
Saan napupunta ang pera mo?
I-prioritize ang mga gastusing mahirap takasan: pagkain, pamasahe, upa, gamot, at baon ng mga bata. Kung kaya, ilista ang gastos sa loob ng isang linggo para makita kung alin sa mga ito ang tumataas at saan kailangang magdagdag ng pondo.
Halimbawa, kung P200 ang budget sa pagkain bawat araw at naging P220 ang parehong binibili, dagdag na P600 iyon sa loob ng 30 araw. Hindi ibig sabihing exchange rate lang ang dahilan ng pagtaas na ito. Pero malaking bagay kasi sa pamilya ang kahit maliit na dagdag kada araw.
Sa palengke o grocery, ikumpara ang presyo kada kilo, litro, o gramo. Maaaring mas mura kada gramo ang malaking pakete kaysa sachet. Pero sulit lang iyon kung may perang pambili, talagang magagamit ang laman, at hindi masasakripisyo ang ibang pangangailangan.
Kung praktikal, puwede ring maghati ang magkakamag-anak o magkakapitbahay sa pagbili ng bigas o ibang produktong mas mura kapag maramihan. Isama rin sa kuwenta ang pamasahe at delivery. Walang matitipid kung mas mahal ang biyahe kumpara sa bawas-presyo, o kung masisira lang ang sobrang pagkain.
Iwasan ding mangutang nang mahal para lang makabili nang maramihan. Dapat hindi rin humantong ang pagtitipid sa paglaktaw ng pagkain o pag-inom ng gamot.
Sa pamasahe, puwedeng pagsabayin ang mga lakad kung kaya. Pero hindi lahat ay may parehong ruta o oras ng trabaho.
Para sa mga may karinderya, puwedeng planuhin ang pagluluto para masulit ang LPG at mabawasan ang tirang pagkain, nang hindi isinasantabi ang kalinisan at ligtas na pag-iimbak ng pagkain.
Maraming pamilya ang ginagawa na ang lahat ng ito. Kaya hindi sapat ang paulit-ulit na payong “magtipid.” Sa kalaunan, kailangang mapunta rin ang mga diskusyon sa pagiging sapat ng kita ng mga manggagawa, at kung anong mga serbisyo ng gobyerno ang maaaring magpababa sa gastos araw-araw.
Padala, pautang, at puhunan
Para sa pamilyang may OFW, maaaring may dagdag na piso mula sa remittances o padala. Halimbawa, ang $200 ay P12,000 sa palitang P60 kada dolyar at P12,800 sa P64. Dagdag na P800 rin iyon, at least bago ibawas ang fees.
Pero maaaring mas mahal na rin ang bigas, pamasahe, at iba pang binabayaran ng pamilya. Dahil dito, kailangang ikumpara ang halagang aktuwal na matatanggap matapos ang lahat ng fees. Huwag ipagpaliban ang padalang kailangan na sa pagkain o gamot dahil lang umaasang mas gaganda pa ang palitan.
Kung may natira, puwedeng unahin ang nalalapit na bills o bawasan ang utang na mataas ang interes. Huwag lang ipang-shopping ang buong diperensya sa palitan. Para sa mga OFWs, mag-usap muna tungkol sa budget bago sila mag-commit sa pagpapadala ng mas malaking remittances.
Para sa mga sari-sari store, balikan ang presyo ng supplier bago muling mag-stock. Ihiwalay ang puhunan sa perang pambahay hangga’t kaya. Kung tumaas ang presyo ng kapalit na paninda, maaaring hindi sapat ang dating nakalaang puhunan kahit naibenta na ang lahat ng lumang stock.
Sa mga karinderya naman, kuwentahin ulit ang gastos sa mga sangkap, LPG, at lalagyan. Puwedeng magbawas ng pagkaing madalas matira o baguhin ang menu ayon sa presyong afford ng mga suki. Hindi rin magandang solusyon ang biglang pagtaas ng presyo nang walang malinaw na kuwenta, dahil baka lalo lang humina ang benta.
Para sa jeepney driver o delivery rider, itala ang netong naiuuwi matapos ang gasolina, boundary kung mayroon, at ibang gastos. Kung kailangang magdagdag ng oras para maabot ang dating kita, mahalagang makita kung gaano talaga kalaki ang kinain ng dagdag-gastos.
Papel ng gobyerno
Siyempre, may hangganan ang lahat ng payong ito. Walang household budget na kayang resolbahin ang pagdepende natin sa imported fuel o iba pang sanhi ng mataas na inflation.
May papel ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa pagpigil sa sobrang pagkabalisa ng merkado at pagkalat ng inflation. Halimbawa, maaari silang magbenta ng supply natin ng dolyar para awatin ang pagsadsad ng piso. Pero gumagamit ito ng bilyon-bilyong dolyar, kaya may hangganan ang pagtatanggol nila sa palitan.
May kapalit din ang kanilang pagtaas ng interest rates kamakailan: puwedeng mas mahal ang pautang at mas humina ang paggastos at investment. Delikado ito dahil ngayon pa lang ay sobrang hina na ng paglaki ng ating ekonomiya. Kailangang timbangin ang mga ito laban sa panganib ng patuloy na pagtaas ng presyo.
Samantala, dapat ihanda na ng gobyerno ang tulong sa mga pamilyang pinakatinatamaan ng mahal na pagkain at transportasyon, kasama ang mga driver at maliliit na negosyante. Kailangang malinaw din kung sino ang kuwalipikado at paano makakakuha, upang hindi umaasa sa padrino.
Sa paparating na Super El Niño, inaasahang lalong magpapataas ito sa presyo ng mga bilhin. Hindi puwedeng balde-balde lang ang solusyong maiaalok ng gobyerno.
Mahalaga rin ang maayos na paggamit ng pondo ng bayan. Ang perang nasasayang sa palpak na mga proyekto ay hindi nakadaragdag sa kakayahan nating gumawa ng produkto, maghatid ng serbisyo, o bawasan ang gastos ng negosyo. Ang problema, mahigit isang trilyong na insertions at pork barrel funds na naman ang gustong ilagay ng mga politiko sa 2027 budget. Juskopo.
Sa ngayon, makatutulong ang pagplano ng bayarin at pag-iwas sa padalos-dalos na financial decisions. Pero may pananagutan din ang gobyerno na gawing mas matatag ang ekonomiya.
Hindi puwedeng tayo lang parati ang nag-aadjust. – Rappler.com
Jan Carlo “JC” Punongbayan, PhD, is an associate professor at the University of the Philippines School of Economics. His professional experience includes the Securities and Exchange Commission, the World Bank Office in Manila, the Far Eastern University Public Policy Center, and the National Economic and Development Authority. JC writes a weekly economics column for Rappler. He is also co-founder of UsapangEcon.com and co-host of Usapang Econ Podcast.
His first book, False Nostalgia: The Marcos “Golden Age” Myths and How to Debunk Them, was published by Ateneo de Manila University Press in February 2023. His second book, Twin Plagues: How Duterte and COVID-19 Wrecked the Philippine Economy, was published by Penguin Random House SEA in June 2026. Follow him on Instagram (@jcpunongbayan).
Below are In This Economy pieces you may have missed:
Click here for other In This Economy articles.
